MANILA, Philippines - Pinabulaanan ng mismong National Food Authority-NCR regional operations officer Jose Soriano Jr. na may naganap na rice smuggling na kinasangkutan ng 18 kooperatiba at rice traders noong panahon ni Presidente Gloria Arroyo.
Ito ay kaugnay ng paratang ng isang pribadong kompanya na ayon kay Soriano ay walang katotohanan.
Ani Soriano, na kasapi rin ng Regional Bids and Awards Committee, dumaan sa tamang proseso ng ahensiya ang “accreditation” ng mga naturang kumpanya bago nabigyan ang mga ito ng kaukulang lisensiya upang makapag-angkat ng bigas sa ilalim ng “Private Sector Finance” (PSF) importation program ng NFA.
“The accreditation (process) was aboveboard based on our guidelines, they were able to comply with all the requirements so there is no reason to turn down their application,” dagdag pa ni Soriano.
Una nang isinabit sa smuggling at iba pang anomalya sa importasyon ng bigas para sa NCR at Luzon ang 10 kumpanya at kooperatiba at walo naman sa Kabisayaan.
Sa Metro Manila, ito ay kinabibilangan ng: Sta Rosa Farm Products Corporation, Purefeeds Corp., Longos Proper MPC, Hillside MPC, Unzad MPC, Cabaritan MPC, La Tupiguera MPC, Pasileng Sur MPC, Eastern Binalonan MPC, and D’ Highlight Agri-Business MPC, batay sa isinumiteng report ng isang pribadong kumpanya na kinuha ni NFA administrator Angelito Banayo.
“Kung may anomalya dito, sana noon pa (sa bagong administrasyong Aquino) nagkaroon na ng ‘full-blown investigation’ dito (sa NFA),” dagdag ni Soriano.
Dagdag patunay umano na walang anomalya sa buong proseso ay ang naging promosyon bilang regional director for the Bicol region (Region 5) ni dating NCR assistant director Piolito Santos, na siyang nag-apruba sa lisensiya ng mga nasangkot na rice traders.
Batay pa rin sa rekord ng NFA, mahigit nang 10 taong nakarehistro sa ahensiya ang mga naturang kumpanya at kooperatiba kung saan taunang nirerepaso ang kanilang akreditasyon.
Sa Kabisayaan, naglabas na rin ng paglilinaw ang NFA regional office na nakabase sa Cebu kung saan nilinis nito ang walong iba pang kumpanya at kooperatiba na isinabit sa kinukuwestyon na audit report.
Ayon kay NFA Central Visayas information officer, “bonafide” at mga lehitimong rice traders ng NFA ang mga nasangkot na kumpanya.
Dagdag naman ng ilang impormante, dapat ring ipabusisi ni Pang. Noynoy Aquino ang operasyon ng grupo ni Davidson Tan Bangayan, isang Fil-Chinese. Anila, si Bangayan umano ang nabigyan ng “basbas” upang makapaghanap buhay sa NFA sa ilalim ng administrasyong Aquino.
“Nagtataka lang kami dahil bakal at mga scrap material ang orihinal na negosyo nitong si David pero ngayon ay bigas na ang kanyang inaangkat, bakit,” tanong pa ng mga sources.
Posible umanong may “demolition job” laban sa mga lehitimo at rehistradong rice traders upang makopo ng grupo ni David ang kalakal sa bigas.