Fix salary sa bus drivers
MANILA, Philippines - Nagkasundo ang mga opisyal ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation office (LTO), Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Labor and Employment (DoLE) at bus operators na pag-aralan ang wage compensation package na dapat ibigay sa mga driver ng bus upang maiwasan ang paghahabulan ng mga pampasaherong bus sa mga lansangan sa bansa partikular sa Metro Manila.
Isinagawa ang pulong makaraang pakilusin ang mga ito ni Pangulong Noynoy Aquino para maiwasan na ang mga aksidente sa lansangan na ang pinakahuling biktima ay ang UP professor at veteran journalist na si Chit Estella Simbulan sa QC.
Binigyang diin ni LTFRB Chairman Nelson Laluces na sa kanilang pulong ay naghayag ng kahandaan ang mga bus operators na bigyan ng regular na suweldo ang kanilang drivers para hindi magkarerahan sa kalsada.
Gayunman, sinabi ng ilang bus operators na mas malaki pa ang natatanggap na sahod ng bus drivers kaysa sa regular na suweldo kayat minabuti ng mga nabanggit na ahensiya ng pamahalaan gayundin ng mga bus operators na sama-samang pag aralan ang pagkakaroon ng wage compensation income sa mga bus driver na papantay sa natatanggap na sahod ng mga bus driver buwan buwan.
Sinabi din ni Laluces na pupulungin nila ang mga lider ng transport groups ng mga kumpanya ng bus upang magkaroon ng solusyon ang problema sa sinasabing paghahabol sa kita ng mga bus driver kayat humahagibis ang pamamasada sa kalsada.
Lumitaw din sa pulong na dahil sa pinatinding kampanya ng MMDA, LTFRB, LTO at HPG sa pangangasiwa sa daloy ng trapiko, may mahigit 100 bus driver ang nahuli dahil sa paglampas sa 60 kilometer speed limit na takbo ng mga pampasaherong sasakyan sa Commonwealth Avenue sa QC.
Nais naman ni MMDA Chairman Francis Tolentino na habaan ng hanggang Fairview ang sakop ng 60 km speed limit area na sa ngayon ay umaabot lamang ng Sandiganbayan area sa QC.
Sinabi naman ni Leody Tobias, tagapagsalita ng Elena Bus Liners, maaaring maging matabang sa halip na positibo ang pagtanggap ng mas maraming bus drivers sa alok na regularisasyon. Ipinaliwanag nito na kung mareregular ang isang driver, tatanggap ito ng hindi pa aabot sa P500 suweldo kada araw. Malayo umano ito sa higit P1,000 kinikita ng mga bus drivers na kung minsan ay umaabot ng hanggang P2,000 sa “commission basis” sa loob ng 12 oras na pamamasada. (May ulat ni Danilo Garcia)
- Latest
- Trending