6th Puregold 'Tindahan ni Aling Puring' Convention raratsada ngayon
MANILA, Philippines - Bida ang mga entrepreneur sa pagsikad ng 6th Puregold “Tindahan ni Aling Puring Sari-sari Store Convention” ngayon (May 18, 2011) hanggang May 21 sa World Trade Center sa Pasay City kung saan magsasama-sama ang malalaking pangalan sa pulitika,negosyo at showbiz.
Pangunahing panauhin sa pinakamalaking pagtitipon ng small- and medium-scale businessmen na may temang “SIKAP - Sari-sari Store, Itaguyod Kasama ang Puregold”, si Vice President and Presidential Adviser on Overseas Filipinos Jejomar Binay bilang guest of honor at speaker sa opening.
Sa May 19, dadalo sina Puregold endorsers Vic Sotto, Joey de Leon, Jose Manalo at Ruby Rodriguez sa event para magbigay ng aliw sa mga dadalo.
Tampok din sa convention ang paglulunsad ng Tindahan ni Aling Puring Gold card sa May 20, dakong alas-10 ng umaga, kung saan imbitado ang top 500 members ng Tindahan ni Aling Puring program.
Bibigyan sila ng gold card at kikilalanin naman ang top 20 members sa isang programa na sasamahan ng raffle at malalaking artista.
Kasali sa apat na araw na event ang 150,000 members ng Puregold’s Tindahan ni Aling Puring maliban pa sa libu-libong hindi miyembro na nais magsimula ng sariling negosyo.
Lalahok din ang libu-libong OFWs at kanilang pamilya dahil naglagay ang Puregold ng special booth para sa mga bagong bayani na nais magtayo ng sari-sari store o mini-grocery.
Ang programa ay bahagi ng aktibong pakikilahok ng Puregold sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para tulungan ang mga OFW na magsimula ng sariling negosyo.
Naglinya rin ang Puregold ng malalaking pangalan sa negosyo, sa pangunguna ni entrepreneur Dr. Francisco Colayco.
- Latest
- Trending