MANILA, Philippines - Kinansela na ang license to operate ng Unilateral Security and Safety Solutions, Inc., ang security agency na ginamit sa puwersahang pag-takeover sa Stradcom Corporation na IT provider ng Land Transportation Office (LTO), noong nakaraang taon.
Ito ang lumabas sa imbestigasyon ni Police Chief Supt Samuel Diciano, hepe ng PNP Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA).
Nabatid na ginamit ang naturang security agency ng grupo nina Bonifacio Sumbilla at Aderito Yujuico, nagsabing may-ari ng Stradcom, para sa puwersahang pag-take over sa naturang kumpanya na pagmamay-ari ni Cezar Quiambao noong Disyembre 9, 2010 dahilan para matigil ang operasyon ng LTO ng may 6 na oras.
Nilusob ng may 32 security guard ng nasabing agency ang IT firm noong alas-4 ng madaling-araw na nagresulta ng pagkasugat ng ilang security guards ng Stradcom at pagkawasak ng ilang ari-arian doon.
Batay sa administrative investigations na isinagawa ng Sosia, lumabag sa batas ang Unilateral Security and Safety Solutions kayat kinansela ng tanggapan ang license to operate nito.