MANILA, Philippines - Umaabot na sa 25 ang nominado sa posisyon ng Ombudsman, ayon sa Judicial and Bar Council (JBC).
Kabilang sa mga nominado sina Supreme Court Associate Justice Conchita Carpio-Morales, na nakatakdang magretiro sa Hunyo; Justice Undersecretary Leah Armamento, dating Justice Undersec. Jose Calida, dating Solicitor General Francisco Chavez, Alternative Law Group head Marlon Manuel at Free Legal Assistance Group Chairman Jose Manuel Diokno.
Maging si Overall Deputy Ombudsman na ngayo’y acting Ombudsman Orlando Casimiro, ay kabilang din sa mga nominado matapos na irekomenda ni evangelist Mike Velarde.
Sa 25 nominado, si Morales ang sinasabing top choice ni Pangulong Aquino. Si Morales ang nanguna sa pagsumpa ni Aquino nang manalo ito sa halalan noong Hunyo 2010.
Sina retired Chief Justice Reynato Puno, Maria Theresa Acosta, Pedro Aquino, Wilberto Candelaria, Justice Secretary Leila de Lima at Lawyer Arno Sanidad ay ilan naman sa mga tumanggi sa nominasyon.