6 gusali ng DepEd guguho sa lindol
MANILA, Philippines - Posible umanong gumuho ang anim na gusali ng Department of Education (DepEd) sa Pasig City kapag nagkaroon ng malakas na lindol sa bansa makaraang makitaan ng pagkakaroon ng problema na tinawag na ‘falling hazard’.
Sa earthquake at fire drill sa mga empleyado ng DepEd Central Office noong Lunes, inamin ni Engineer Oliver Hernandez, pinuno ng DepEd Physical Facilities and Schools Engineering Division (PFSED) na peligroso ang Rizal 1 at Rizal 2 building, Bonifacio at Mabini building at Dorm E at Dorm D building.
Kabilang sa mga kinakitaan na ‘falling hazard’ ang gusali kung saan nag-oopisina si Education Secretary Armin Luistro at iba pang matataas na opisyal ng DepEd.
Ang kalihim at mga undersecretary nito ay nag-oopisina sa Rizal 1 building na sinasabing mahigit sa 40 taon na, o naitayo noong nagsisimula pa lamang umupo sa puwesto ang dating Pangulong Marcos.
Dahil sa katandaan ay hindi na umano makita ang plano sa pagpapatayo sa nabanggit na mga gusali para mabatid ang tibay nito lalo na ang mga pundasyon.
- Latest
- Trending