MANILA, Philippines - Isang tripulanteng Pinoy ang natagpuang patay sa loob ng sinasakyang chemical tanker, apat na araw matapos silang atakihin ng mga piratang Somali habang nasa anchorage nito sa isang pantalan sa Benin, West Africa.
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) mula sa ulat ng manning agency, ang pagkamatay ni Christopher Cortez Ceprado na natagpuan noong Mayo 11 sa loob ng MT Sea King, isang Marshall Island-flagged ship.
Nauna rito, sinalakay ng mga armadong pirata ang nasabing barko na may sakay na 17 Pinoy crew noong Mayo 7 habang nakahimpil sa Port ng Cotonu sa Benin.
Hinalughog at winasak ng mga pirata ang mga equipment sa loob ng barko at gamit ng mga tripulante.
Nakikipag-ugnayan na ang DFA sa local manning agency ng mga Pinoy crew para sa repatriation ng mga labi ni Ceprado na unang napabalita na nagtamo ng tama ng baril.