MANILA, Philippines - Dapat nang mabigyan ng buwanang sweldo ang mga pampublikong bus drivers at mga konduktor upang maiwasan ang mga aksidente sa lansangan.
Sa inihaing House Bill No. 3370 (Bus Drivers and Conductors Compensation Act) nina Bayan Muna Reps. Teddy Casino at Rafael Mariano, lahat ng mayroong Certificate of Public Convenience (CPC) upang makapag-operate ng pampublikong bus ay dapat na bayaran ang kanilang drivers at konduktor ng buwanang sahod na hindi baba sa minimum wage, benepisyo at incentives na itinakda ng batas na direktang iaabot sa driver at konduktor kada ikalawang linggo ng buwan.
Hindi rin dapat lalampas sa walong oras ang kanilang pagmamaneho kasama na ang kanilang pagpapahinga at kailangan din mayroong dalawang shift at kahit na isang oras na pahinga kada araw ng trabaho nila.
Pinagsusumite din ng Daily Time Record o trip report ng mga operators ang kanilang drivers/conductors upang mamonitor ang bilang ng kanilang biyahe at bilang ng oras ng byahe nila.
Sinumang operator na lalabag sa batas na ito ay maaring magmulta ng hindi bababa sa P100,000 at hindi lalampas ng P200,000 at ang suspension ng prangkisa ay hanggang sa makabayad ng mga back wages at karampatang benepisyo ang operators sa kanilang mga drivers at konduktor.
Ang hakbang ng mga mambabatas ay bunsod sa sunod-sundo na aksidente sa Commonwealth Avenue kung saan din nasawi ang veteran journalist na si Chit Estrella-Simbulo.