MANILA, Philippines - Inihayag ng Villar Foundation ang konstruksiyon ng isang resource at live training facility na lilikha ng mga kabuhayan at negosyo sa bansa bilang bahagi ng dakilang adhikaing palayain sa kahirapan ang mga Filipino.
Sinabi ni dating Las Piñas City Rep. Cynthia Villar, managing director ng foundation, na pangunahing layunin ng proyekto na magkaloob ng komprehensibong kaalaman ang mga pamilyang Filipino sa pagne-negosyo.
Ayon kay Villar, noong Sabado ang groundbreaking ng pasilidad na kikilalanin bilang Social Institute for Poverty Alleviation and Governance o SIPAG Center.
“Sinasabi ng social enterprise experts na dapat maiwan ang mukha ng kahirapan sa museum. Sangayon ako dito and until that time comes, we will work towards helping ease Filipinos’ poverty because in our country, poverty is out there on the streets staring us in the face,” ani Sen. Manny Villar, chairman ng Villar Foundation.
Ayon kay Villar, magsisilbing tahanan ang Villar SIPAG Center upang mapababa o masugpo ang kahirapan kung saan magkakaroon ng reception hall, theater, exhibit hall, at Villar memorabilia hall.
Sa ulat ng United Nations, aabot sa 900 milyon sa mga mahihirap na indibidwal sa buong mundo na nabubuhay sa isang dolyar lamang sa araw-araw ang naninirahan sa Asya Pasipiko. Mahigit sa 40 milyong Pinoy ang nabubuhay ng wala pa sa dalawang dolyar araw-araw. Lalo pang lumobo ang bilang ng mga Pilipinong dumaranas ng kahirapan sa Pilipinas sa nagdaang dalawang dekada.
“Sa pangalan pa lamang nito, makikita na natin ang sipag at tiyaga ng mga Pilipino. Gagabayan natin sila, tuturuan, at tutulungan na makaahon sa kahirapan. Lalo na ang mga kababaihan at mga kababayan nating walang trabaho at kabuhayan,” wika ni Gng. Villar.
Itinatag ang Villlar Foundation noong 1995 at aktibong nagpatupad mula noon ng mga programang pangkalikasan, pangkabuhayan, pagtulong sa mga OFWs, programang pangkalusugan at iba pang mga programa laban sa kahirapan.