MANILA, Philippines - Inisnab lamang ni Transportation and Communications Secretary Jose “Ping” de Jesus ang naisampang plunder case kina DOTC Undersecretary Aristotle Batuhan at Assistant Secretary Racquel Desiderio ng Road Users Protection Advocates (RUPA) dahil maliwanag umano na ito’y harassment lamang na ang interes ay maapektuhan ang mga repormang ipinatutupad sa DOTC.
“This can be part of the desperate move of some unscrupulous groups who may be directly or indirectly threatened by the reform initiatives that these officials are pursuing within the LTO bureaucracy,” ani de Jesus.
Nagsampa ng plunder case ang RUPA kina Batuhan at Desiderio nang magdesisyon ang mga itong bayaran na ng LTO ang pagkakautang nito sa IT provider nitong Stradcom Corporation na may halagang P662 Milyon.
“Kung hindi natin babayaran ang Stradcom, maaaring putulin nila ang serbisyo sa LTO at kapag nangyari ito, maaapektuhan ang pagseserbisyo natin sa publiko, baka ang carnap na sasakyan ay mairehistro o kaya naman ay ang isang sasakyan ay maaaring mairehistro sa isang LTO office at mairehistro din sa ibang lugar, posible yan pag nawala ang serbisyo ng Stradcom sa LTO,” pahayag naman ni LTO NCR director Teofilo Guadiz na tumatayong spokesman din ng LTO.