MANILA, Philippines - Walang nakakaalam kung kailan magugunaw ang mundo, kundi ang Diyos Ama lamang.
Ito ang mariing iginiit ng Simbahang Katoliko at itinanggi ang kumakalat na pahayag ng Oakland, California US-based Evangelical Christian group na ‘judgement day’ o magugunaw at mahahati ang mundo at maraming tao ang mamamatay sa darating na Mayo 21.
Sinabi ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) media director at spokesman Monsignor Pedro Quitorio na walang basehan ang prediksiyon ng International Family Radio Ministry na ang malalakas na lindol na yayanig sa mundo ang hudyat ng paghuhukom.
“In the Bible, it says nobody knows when is the end of the world, except God the Father,” ani Quitorio bilang sagot sa ipinakakalat ng Family Radio group.
Batay sa naging pahayag ni Tom Evans, ang spokesman ng Family Radio, ibinatay nila ang doomsday date sa Bible at calculations sa petsa na nag-ugat sa “7000 year anniversary of the flood”.
Bukod pa sa ‘project caravan’ o paglilibot ng kasapi ng Family Radio sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila upang ipaalam ang nalalapit na doomsday, marami na ring ‘doomsayers’ ang umano’y nagkamali.
“It cannot be predicted. Definitely there is no truth to it,” aniya pa.
Ani Quitorio, kung ang lindol umano ay hindi nahuhulaan kung kailan tatama sa mundo, mas mahirap hulaan kung kailan magugunaw ang mundo.
“How can they predict the end of the world when no one can even predict an earthquake accurately?” paliwanag pa ni Quitorio.
Payo ni Quitorio sa publiko, huwag bigyang-pansin ang mga nasabing prediksiyon at propesiya at sa halip ay mas pagtibayin pa ang pananampalataya sa Panginoon.