Manila, Philippines - Habang buhay na pagkakakulong ang ipapataw na parusa sa mga miyembro ng PNP at AFP sa sandaling mahulihan ang mga ito ng iligal na droga.
Ito ang nilalaman ng House Bill 3990 ni Ilagan City Rep. Vicente Belmonte, Jr. at 4th District Cavite Rep. Elpidio Barzaga, Jr. na layon ding isailalim sa drug test ang mga estudyante, drivers, empleyado ng mga pampubliko at pribadong sektor at maging ang mga nag-aplay sa sangay ng gobyerno at mga kandidato na tatakbo sa eleksyon.
Paliwanag ni Belmonte na siya ring chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, sa ilalim ng panukala ang mga opisyal at miyembro ng kapulisan at militar gayundin ang iba pang law enforcement agencies ay sasailalim sa annual mandatory drug testing.
Nakasaad pa sa House bill 3990 na sinumang opisyal ng pulis at militar at iba pang law enforcement agencies na mahuhuling gumagamit ng droga ay nahaharap sa 4-12 taong pagkakakulong at multang P10,000-P200,000 at sasailalim din sa summary dismissal proceedings.
Sa ilalim din ng panukalang batas, ang mga high school at college students sa pribado at pampublikong paaralan gayundin ang mga empleyado ng public at private sector, gayundin ang mga kandidato maging appointed o elected kapwa sa national o local level ay sasailalim sa mandatory drug testing o random basis.
Samantalang hindi naman maaring ma-renew ang drivers license, firearms license at permit to carry maliban na lamang kung ipresenta nila ang certification na nagpapatunay na negatibo sila mula sa paggamit ng illegal na droga.