Manila, Philippines - Pangungunahan ngayong umaga ni Pangulong Aquino sa pamamagitan nang pagbibisikleta ang paglulunsad ng exercise program ng Department of Health na tinawag nilang “Ehersisyo Pangkalusugan Para sa Lahat 2011”.
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, magbibisekleta ang Pangulo samantalang ang ibang mga miyembro ng Gabinete ay sasama sa paglalakad at pagtakbo.
Dadalo rin sa selebrasyon si Health Secretary Enrique Ona na humihikayat sa mga mamamayan na regular na mag-ehersisyo bilang panlaban sa lahat ng uri ng sakit.
Inirerekomenda rin ng DOH ang regular na paglalakad, jogging, running, biking, volleyball, sipa, arnis, futsal, wall climbing, badminton, basketball, aerobics para sa mga bata at Tai-Chi/pilates at Yoga.
Sinabi ni Valte na magsisimula ang programa alas-6:30 ng umaga kung saan ang mga pupunta sa Quezon Memorial Circle ay may mga magmumula sa Trinoma, UP-Diliman at Sandiganbayan sa Commonwealth.
Layunin rin ng programa na maiwasan ng mga mamamayan ang mga nakamamatay na sakit ngayon sa pamamagitan ng ehersiyo katulad ng cardiovascular disease, chronic respiratory diseases, at diabetes.