Lalahok sa civil disobedience kakasuhan

MANILA, Philippines - Nagbanta si Pangulong Benigno Aquino III na kakasuhan ng gobyerno ang nasa likod sa pa­nawagang civil disobedience sa pamamagitan ng hindi pagbabayad ng buwis.

Sinabi ni Pangulong Aquino sa ambush interview, puwedeng kasuhan ng inciting to sedition ang sinumang lantarang sasama sa panawagang civil disobedience sa sanda­ling makapasa ang Reproductive Health bill.

Wika pa ng Pangulo, hindi mangingimi ang gobyerno na kasuhan ang sinumang hindi magbabayad ng kanilang buwis bilang pakikiisa sa civil disobedience na nais isulong ng mga tutol sa RH bill.

Samantala, binigyan naman ng bagsak na grado ng ilang Obispo ng Simbahang Katoliko si Pangulong Aquino sa 1 taon nitong pamumuno sa bansa.

Ayon kay Prelatura ng Isabela de Basilan Bishop Martin Jumoad,  bigo ang Pangulo na tugunan ang kagutuman sa kanilang lugar maging sa usapin ng peace and order situation.

“ Para sa akin failure talaga ang pangulo sa amin dito sa Basilan. Para sa akin na walang katotohanan ang sabi niya na pag walang kurap, walang mahirap. He should reform himself. The poor are becoming poorer at hindi ko rin ramdam ang mga improvement sa Basilan. I will give him a grade of 4  from 1 to 10”, ani  Jumoad.

Binigyan diin naman ni CBCP-NASSA chairman Bishop Broderick Pabillo na wala siyang nakikitang sustainable program ang Pangulong Aquino at ang kanyang fight sa corruption ay overacting program lamang.

Giit ng obispo, isang taon nang naghahanap ng pagbabago ang publiko batay na rin sa pangako nito sa panahon ng kampanya  subalit wala namang malinaw na proyekto.

Aniya, maging ang paglaban nito sa corruption ay hindi nakikita at ang Freedom of Information bill ay hindi pa rin naisasabatas para na rin sa  transparency laban sa corruption.

Ayon kay Bishop Pabillo, 55-percent na grado ang kanyang ibibigay sa pangulo dahil sa kawalan ng job creation, kawalan ng programa sa hou­sing, walang konkretong programa sa environment at hindi pagpapatupad ng Comprehensive Agra­rian Reform Program with Extention and Reform o CARPER kung saan bahagi ang lupain ng kanyang pamilya na Hacienda Luisita.

Samantala, 65-percent na grado from the scale of 1 to 10 ang ibinigay na grado ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles kay Pangulong Aquino.   (May dagdag na ulat si Angie dela Cruz)

Show comments