P15-M tax fraud isasampa vs Neri
Manila, Philippines - Sasampahan ng kasong tax evasion ng Department of Justice (DOJ) sa Court of Tax Appeals si dating NEDA at SSS president Romulo Neri.
Ayon kay DOJ Undersecretary Francisco Baraan, nakakita ang DOJ ng probable cause upang isulong ang tax evasion case ni Neri sa korte.
Sinabi ni BIR Commissioner Kim Henares, aabot sa mahigit P15 milyon ang tax deficiency ni Neri bunsod na rin ng hindi nito pagdedeklara ng kanyang kinita noong 2008 at 2009.
Ilang halimbawa na rito ay ang alllowances at bonus ni Neri sa panunungkulan nito bilang board member ng Philex Mining Corporation at Unionbank of the Philippines noong 2008 at 2009.
Sinabi din ni Usec. Baraan na isinailalim sa masusing imbestigasyon ang isasampang kaso ng BIR laban kay Neri.
Samantala, naghain muli ng kasong kriminal sa DOJ ang BIR laban sa 3 gold trader bunsod ng bilyong pisong tax evasion.
Kabilang sa mga kinasuhan ay si Aurelio Baring dahil sa hindi pagbabayad ng buwis na nagkakahalaga ng P2.22 bilyon sa loob ng limang taon.
Nabatid ng BIR na hindi rin rehistrado si Baring sa ahensya at sa Department of Trade and Industry (DTI).
Inireklamo rin sa DOJ ang gold at silver trader na si Rex Chua Co Ho dahil naman sa P3.1 bilyon na tax evasion at ang pawnshop owner na si Remegio Descalsota dahil sa hindi tamang pagbabayad ng buwis na aabot naman ng P593 milyon.
Ang tatlong kinasuhan ay kabilang sa listahan na isinumite sa BIR ng Bangko Sentral ng Pilipinas na may gold transaction sa kanila.
Samantala, nakahanda naman si Neri na harapin ang isasampang tax evasion case sa kanya ng DOJ.
Binigyang diin ni Neri na hindi niya kasalanan kung hindi naging maayos ang kanyang income tax pero maayos naman anya niyang binayaran ang kanyang buwis.
Katwiran ni Neri, ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ang nagkamali dahil yung 2009 na inihaing income tax return ay inilagay daw ito ng BIR para sa taong 2008 habang yung kanyang 2010 na income tax ay inilagay naman ng BIR para sa taong 2009.
- Latest
- Trending