MANILA, Philippines - Upang mapaangat ang buhay at mabigyan ng sariling ikabubuhay ang maraming Pilipino, binuo ng Puregold ang lima sa pinakamalaking pangalan sa larangan ng negosyo at entrepreneurship para magbigay ng kaalaman kung paano magsisimula ng maliit na negosyo sa 6th “Tindahan ni Aling Puring Sari-sari Store Convention” mula May 18-21, 2011 sa World Trade Center sa Pasay City.
Ang convention ay itinuturing na pinakamalaking small-and-medium-entrepreneur gathering sa bansa kung saan inaasahang dadalo ang 150,000 miyembro ng “Tindahan ni Aling Puring members, maliban pa sa mga hindi miyembro na nais magkaroon ng sariling negosyo.
Dala ng event ang temang: “SIKAP - Sari-sari Store, Itaguyod Kasama ang Puregold.”
Bukod dito, bibigyan ng Puregold ang OFWs ng pagkakataon upang makapagsimula ng sariling negosyo sa convention sa pamamagitan ng paglalagay ng special booth para sa mga “bagong bayani” na nais magsimula ng sari-sari store o mini-grocery.
Pangungunahan ni Dr. Francisco Colayco, isang kilalang entrepreneur, venture developer at financial advisor, ang listahan ng personalidad na tatalakay ng iba’t ibang aspeto ng negosyo na makakatulong sa nais magtayo ng sariling pagkakakitaan.
Bilang chairman ng Colayco Foundation for Education, Inc., isa sa mga misyon ni Colayco ay turuan ang mga manggagawa, OFWs at mga estudyante kung paano gagamitin ang kanilang pera.