MANILA, Philippines - Ilang senador na ang nag-aabang kung tototohanin ni Commission on Audit (COA) Commissioner Heide Mendoza ang pagtakbo ng hubo’t hubad sa Quezon Memorial Circle kapag naabswelto si retired AFP Comptroller Carlos Garcia sa kasong plunder.
“Aabangan natin yan, joke lang,” pahayag ng isang senador na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Matatandaan na isa si Senator Miriam Defensor-Santiago sa humanga sa ipinakitang katapangan ni Mendoza sa ginawa nitong pagharap sa hearing ng House of Representatives kung saan inihayag niya ang kaniyang mga nalalaman sa korupsiyon sa militar.
“I love to see Heide Mendoza running naked to Quezon Memorial Circle because she promised to do that once the case against Garcia is dismissed by the Sandiganbayan,” nauna ng sinabi ni Santiago.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto na hindi na dapat totohanin ni Mendoza ang pahayag nito na tatakbo siya ng hubo’t hubad kapag napawalang sala si Garcia. “Huwag na. Pangit tingnan,” sabi ni Sotto.
Bago pa man pagbigyan ng Sandiganbayan ang plea bargain ni Garcia, malaki ang paniwala ni Mendoza na sapat ang mga ebidensiya para maparusahan ang dating military comptroller kaya nakipag-pustahan pa umano ito sa isang kaibigan na tatakbo ng hubad sakaling makakawala pa si Garcia.