MANILA, Philippines - ‘Win-win solution’ ang P22 COLA.
Ito naman ang tiniyak ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz kung saan sinabi nito na ang dagdag na P22 sa cost of living allowance ng mga manggagawa sa Metro Manila ay ang pinakamalapit sa projection ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na P25 wage hike upang maiwasan ang epekto nito sa presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Baldoz, wala ding tax sa nasabing COLA adjustment kaya buong-buo na matatanggap ng mga manggagawa.
Pabor din umano sa mga employers dahil hindi ito maisasama sa kuwentahan ng overtime o night differential pay.
Sa mga hindi kuntento rito, inihayag ni Baldoz na maari itong iapela sa National Wage and Productivity Commission.
Gayunman, tuloy umano ang effectivity ng COLA adjustment makalipas ang 15 days na publication sa pangunahing pahayagan.
Nilinaw din ni Baldoz na COLA at hindi emergency COLA ang matatanggap ng mga minimum wage earner sa Metro Manila.
Kapag sinabing emergency COLA ay mapapakinabangan lamang ang naturang benepisyo sa panahong may emergency, di tulad ng COLA na hindi na pwedeng bawiin hanggang sa maidagdag sa minimum na sahod ng manggagawa.