Wala ng kudeta - Lim, Miranda et. al.
MANILA, Philippines - Siniguro nina retired B/Gen. Danilo Lim at dating Marine Commandant retired Maj. Gen. Renato Miranda na wala ng magaganap na kudeta matapos silang sumumpa ng katapatan sa Konstitusyon makaraang bigyan sila ng amnestiya ng Aquino administration.
Sinabi ni Lim na isinasara na niya ang anumang uri ng pag-aaklas laban sa gobyerno sa bagong pamahalaan matapos ang naging pagkakasangkot sa nasilat na coup de etat noong Pebrero 2006.
Sina Lim at Miranda kasama ang may 21 pang amnesty grantees ay nanumpa ng katapatan sa Konstitusyon sa harapan ni Defense Secretary Voltaire Gazmin bilang pinal na rekisitos sa pagbabalikloob ng mga ito sa pamahalaan.
Nabatid na may kabuuang 35 amnesty grantees ang itinakdang muling manumpa kahapon pero hindi nakadalo sa seremonya ang 12 sa mga ito na bibigyan na lamang ng sertipikasyon ng Department of National Defense (DND) na isa-isang manunumpa habang nasa ibang bansa sa Philippine Consulate.
Sa tala sa kabuuang 285 aplikante ay 283 lamang ang nabigyan ng amnestiya na nanumpa sa Konstitusyon, habang dalawa ang naibasura ang aplikasyon. Sa nasabing bilang ay 84 ang officers, 192 ang enlisted personnel, isa ang PNP at anim ang sibilyan.
- Latest
- Trending