Palarong Pambansa: Bawas puntos sa mga manlalarong walang malasakit sa kalikasan - DepEd
MANILA, Philippines - Mababawasan ng puntos sa idinaraos na Palarong Pambansa ng Department of Education (DepEd) ang mga koponang walang malasakit sa kalikasan at magtatapon ng basura sa kung saan-saan.
Ito ang inihayag ng DepEd kasabay nang pormal nang pagsisimula kahapon ng isang linggong Palarong Pambansa para sa mga elementary at high school students sa Dapitan City, Zamboanga.
Ayon kay Assistant Secretary for Legal Affairs at overall chairman ng Palarong Pambansa na si Tony Umali, mababawasan ng isang puntos ang koponan na mahuhuling gumagamit ng styrofor at mga plastic na nakasisira sa kalikasan, at iba pang basura na basta na lamang itatapon ng mga ito.
Paliwanag ni Umali, kakaiba ang palaro ngayon dahil hindi lamang sa pagwawagi sa iba’t ibang sports events ito nakatuon, kundi maging sa pangangalaga din ng kalikasan.
“Sinuman ang mahuhuling sisira sa kalikasan ay papatawan ng penalty at mababawasan ng puntos sa overall standing lalo sa overall championship,” dagdag pa ni Umali.
Ang Palarong Pambansa, na nilahukan ng may 10,000 atleta at mga opisyal ay inaasahang magtatagal hanggang sa Mayo 14.
- Latest
- Trending