MANILA, Philippines - Nangangamba ang pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa ma aring outbreak ng tuberculosis (TB) sa mga preso sa Metro Manila.
Sa talaan ng BJMP, lumilitaw na pangalawa ang sakit na TB sa pagkamatay ng mga preso sa bilangguan kasunod ang cardio respiratory arrest.
Nitong nakaraang taon, may 24 preso ang nasawi sa sakit na TB sa iba’t-ibang piitan sa NCR, habang ngayon taon, mula January hanggang sa kasalukuyan, 10 preso ang namatay dahil din sa naturang sakit.
Bunsod nito, sinimulan ngayon ng BJMP ang pagpapakalat ng mga sinanay na health workers sa iba’t-ibang piitan sa metropolis para harapin ang pangangailangan ng mga bilanggo na may TB-infections.
Sa ulat kay Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, ni BJMP-NCR Director C/Supt. Benito Dorigo, ang anti-TB program ay bilang suporta sa National Tuberculosis Control Program (NTCP) ng Department of Health.
Ayon kay Dorigo, ang mga health care workers ng kagawaran ay sinanay para magsagawa ng Direct Sputum Smear Microscopy (DSSM) examination sa mga pinaghihinalaang may TB na bilanggo kasabay ng pagmonitor sa progreso ng mga pasyenteng nakatanggap ng anti-TB treatment hanggang sila ay gumaling.
Ang Tuberculosis o TB ay isang infectious disease sanhi ng “tubercle bacilli” bacteria na nakaka-apekto sa baga, pero maaring umatake sa anumang parte ng katawan tulad ng buto, bituka at kidneys.