2 OFWs todas sa sagupaan sa Syria!
MANILA, Philippines - Dalawang overseas Filipino workers ang minalas umanong masawi sa nagaganap na sagupaan sa pagitan ng Syrian military forces at anti-government protesters noong nakalipas na linggo.
Hiniling na kahapon ng isang migrant group sa Embahada ng Pilipinas sa Damascus na beripikahin ang ulat ng OFW na nakilalang si Baynida Saylila, 25, na siya umanong nakasaki nang mabaril ang dalawang hindi pa kilalang OFW.
Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante Middle East, sinabi umano sa kanya ni Saylila na inutusan umano ng kanilang employer ang dalawang OFWs na bumili ng pagkain sa isang tindahan sa ground floor ng isang gusali na kanilang tinutuluyan nang mahagip ng ligaw na bala ang dalawang Pinoy domestic helper na naganap noong Abril 29.
Sinabi ni Saylila kay Monterona na hindi niya umano alam ang tunay na pangalan ng dalawang Pinoy subalit pamilyar umano ang kanilang mukha dahil madalas niyang makita ang mga ito,
“We can’t simply dismiss report we got from OFW Saylila whom I have spoken yesterday over the phone. She too was scared of what she had seen knowing that the victims are fellow OFWs,” ani Monterona.
Bunga nito, nais ng Migrante na agad na imbestigahan ng Embahada ang insidente at i-validate ang impormasyon na ibinigay ni Saylila.
Sa ngayon, may 20 OFWs na ang nagpahayag ng kanilang kagustuhan na umuwi sa bansa sa gitna na rin ng paglalagay sa alert level 2 o voluntary evacuation para sa may 17,000 OFWs sa Syria.
- Latest
- Trending