10 lugar sa Bicol Region signal no. 2

MANILA, Philippines - May 10 lugar sa bansa ang inilagay na sa signal number 2 bunga ng pananalasa ng bagyong “Bebeng” simula noong Sabado.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), si Bebeng ay namataan 40 km sa timog-silangan ng Virac­, Catanduanes ganap na alas-4 ng umaga.

Ganap na alas-5 ng umaga, ang bahagi ng Bicol Region, Quezon Province at Northern Samar ay nakaranas­ ng mabagyong panahon habang ang ibang lugar sa Eastern Luzon at Samar Provinces ay magkakaroon ng pag-ulan na may pabugso-bugsong hangin. Ang Central at Southern Luzon at ang Visayas ay may maulap at manaka-nakang pag-ulan at pag­kulog na magdudulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Taglay ni Bebeng ang hanging 85 kph malapit sa gitna at bugsong 100 kph, at kumikilos patungong kanluran-hilagang kanluran sa lakas na 13 kph.

Ngayong umaga, si Bebeng ay inaasahang nasa 100 km sa timog-silangan ng Baler, Aurora. Sa Martes ng umaga ay tinayang nasa 70 km sa timog-silangan ng Laoag City. Miyerkules ng umaga ay inaasahang nasa 250 km sa Laoag City o 180 km ng Basco, Batanes.

Signal no. 2 sa Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Catanduanes, Polilio Island, Quezon, Burias Island, Ticao Island, at Northern Samar. 

Habang signal no. 1 sa Masbate, Marinduque, Romblon, Laguna, Rizal, Bulacan, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora, Isabela, Eastern at Western Samar.

Pinaalalahanan din ng PAGASA ang mga resi­dente sa mga mababa at bulubunduking lugar na nasa ilalim ng storm signal na maghanda para sa posibleng­ pagbaha at pagguho ng lupa.

Gayundin ang mga residente malapit sa baybayin na nasa ilalim ng signal number 2 na maging alerto laban sa posibleng malakas na pag-alon.

Show comments