1 patay kay Bebeng
MANILA, Philippines - Isang lalaki ang iniulat na nasawi habang aabot sa 626 pamilya na ang inilikas bunsod ng pagbuhos ng ulan na nagdulot ng pagbaha dala ng pananalasa ng bagyong “Bebeng”.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRMMC), umabot na sa 1,207 katao ang naistranded sa daungan sa Bicol matapos isuspinde ang operasyon nito noong Sabado.
Nakilala ang nasawi na si Luis Dingcol, 47, naninirahan sa Barangay Canlanpay sa bayan ng Carigara, Leyte.
Sinabi ng NDRRMC, ang baha ay umabot na sa dalawang metro ang lalim na nakaapekto na sa ilang lugar sa Leyte, kabilang ang Ormoc City na may 626 pamilya ang inilikas sa mga barangay hall, paaralan, ilang kabahayan, at chapels. Isolated na rin ang Catarman dahil sa baha gayundin ang Lope de Vega na kapwa sa Northern Samar.
Nagkaroon na rin ng pagguho ng lupa nitong Sabado ng umaga dahilan para ilikas ang anim na pamilya sa Purok Rosal sa District 29 ng Ormoc City.
Ang mga kalsada sa Barangays Canligues at Concepcion sa bayan ng Paranas, mga barangay Parina at Macabetas sa bayan ng Jiabong ay hindi na madaanan ng motorista dahil sa baha. Sa bahagi ng timog mula Calbayog patungong Catarman ay hindi rin madaanan.
Sa Albay, aabot sa 13,392 kabahayan o 63,964 tao sa 152 nayon sa baybaying lugar na ang pamilya ay nakatira sa mga bahay na gawa lamang sa light materials ay inilikas na.
May 7,546 pamilya o 34,533 katao sa 69 nayong naninirahan malapit sa lahar zone sa Legazpi City, Daraga, Camalig, Sto. Domingo at Guinobatan ang inilikas.
Minomonitor na rin ng lokal na pamahalaan ang paligid ng bulkang Mayon o permanent danger zones sa epekto ng patuloy na pagbuhos ng ulan na maaring magdulot ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.
- Latest
- Trending