MANILA, Philippines - Isang Pinoy engineer na dinukot ng isang tribu sa Yemen ang nasagip ng Department of Foreign Affairs.
Sa pulong balitaan sa DFA kahapon, kinilala ni Foreign Affairs Usec. for Administration Rafael Seguis ang OFW na si Ramon Caya de Castro, 46, tubong Batangas at nagtatrabaho bilang inhinyero sa Agrekko, isang multi-national power generation rental company na nagsu-supply ng 2/3 ng elektrisidad sa Ma’arib at Sana’a sa Yemen.
Ayon kay Seguis, noong Abril 18 hinarang at tinangay sina de Castro at tatlo pang kasama sa trabaho sa Maarib.
Nakarating lamang ang impormasyon sa DFA at kay Pangulong Aquino hinggil sa pagkakadukot kay de Castro at 3 dayuhan matapos na isang OFW din ang nag-leak sa isang social networking (Facebook) sa insidente.
Inamin ni Seguis na inilihim ng pamahalaan ang nasabing insidente dahil sa kritikal na sitwasyon at sa pakikipag-negosasyon ng gobyerno at ng local agency ng mga dinukot sa mga abductors.
Agad na inatasan ng Pangulo sina Foreign Affairs Sec. Alberto del Rosario at Seguis na magtungo sa Yemen at noong April 29 ay umalis ang mga ito sa bansa at nakipag-usap naman kay Majid Al Sadi, chairman ng Al Sadi Company na nagmamay-ari ng Agrekko at hiniling sa Foreign Ministry ng Yemen na si Abu Bakr Qirbi na makialam sa nasabing usapin.
Sinabi ni Seguis na upang ma-pressure ang mga tribe leaders at pamahalaang Yemen na tumulong sa pagligtas sa nasabing OFW ay napilitang i-shutdown ng Agrekko ang elektrisidad na isinu-supply sa Ma’arib at Sana-a.
Kabilang sa mga demand umano ng mga kidnaper sa Yemen government ay mabigyan sila ng magandang serbisyo sa kuryente, pagpapatayo ng mga paaralan at pagkakaroon ng mga trabaho.
Matapos ang negosasyon ay pinakawalan ang OFW noong Mayo 6 at hawak na ngayon ng kanyang employer at nakatakdang makipagkita sa kanyang asawa at bayaw sa Dubai.
Tfinatayang 3,000 Pinoy ang nasa Yemen at bunga ng patuloy na tension at karahasan sa pagitan ng anti-government protesters at security forces ay inilagay ng DFA sa alert level 2 (voluntary evacuation) ang alarma sa naturang bansa.