Retirement age sa government workers gawing 70 - Miriam
MANILA, Philippines - Nais ni Senator Miriam Defensor-Santiago na gawing 70-anyos ang compulsory retirement age ng mga kawani ng gobyerno.
Sa Senate Bill No. 2797 na isinulong ni Santiago, binanggit nito na dahil sa makabagong medisina ay tumatagal na ang productive age ng mga manggagawa ng hanggang 70 anyos.
Sa Senado lamang, dalawa anya sa miyembro nila ay higit 80 anyos na, sina Senate President Juan Ponce Enrile at Sen. Joker Arroyo.
Layon ng SB 2797 na amyendahan ang Government Service Insurance System Act at mula sa compulsory retirement age na 65 ay itaas sa 70.
Maiiwasan din umano ang age discrimination na kadalasang dinaranas ng mga nagkakaedad ng empleyado na kung tutuusin ay kaya pa namang magtrabaho kahit 65-anyos na.
“The age for compulsory retirement as provided by law was initially thought to be the age when an employee is deemed already unfit to keep his or her employment. But we now have to consider recent advances in medicine and health care, which extend the productive age of employees to even beyond 70 years old, especially in fields that are not physically demanding,” sabi ni Santiago.
Binanggit din ni Santiago ang isang pag-aaral sa Yale University na nagpapakita na ang mga healthy septugenarians ay mabilis pa ring kumilos kumpara sa mga 45-anyos nilang counterpart. Patunay umano ito na wala sa edad ang pagiging produktibo.
- Latest
- Trending