MANILA, Philippines - Ibatay sa konsensiya at reyalidad sa pamumuhay ng mga manggagawa ang desisyon sa isyu ng umento sa sahod.
Ito ang iginiit ng Associated Labor Union at Trade Union Congress of the Philippines sa Wage Board matapos ilabas ng Employers Confederation of the Philippines ang posisyon nito pabor sa P13.35 na lamang na umento sa sahod habang P25.00 naman ang kinakatigang umento ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Sinabi ni Alan Tanjusay, policy advocacy officer ng ALU TUCP, na malaking insulto ito sa 36 milyong manggagawa at masyadong malayo sa ipinetisyon nilang P75 dagdag sahod.
Pinaalalahanan ni Tanjusay ang wage board na ang mandato nito ay ang maprotektahan ang karapatan ng mga manggagawa at hindi ang maging sunud-sunuran sa gusto ng mga employers.
Ang P13.35 anya na gusto ng ECOP ay ni hindi sasapat ibili ng sardinas kundi kasya lamang para sa ilang pirasong tuyo.
Hindi rin anya totoong magiging inflationary ang malaking dagdag sahod dahil bago pa sila nagpetisyon ay matagal nang nagtaas ng presyo ng produkto ang mga kumpanya kaya kumita na ng malaki ang mga ito.