MANILA, Philippines - Umaabot sa 50 katao ang namamatay kada araw sa Pilipinas dahil sa aksidente sa kalsada.
Sa isang press conference sa QC, sinabi ni Secretary Rogelio Singson ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na karamihan sa mga nasasawi ay may edad 10-24 anyos at karamihan naman sa mga aksidente ay sanhi ng human error.
Batay sa pag-aaral, aabot sa 3,500 katao ang namamatay bawat araw sa buong mundo habang 137,000 ang nasusugatan dahil sa road accident.
Ayon kay Singson, labis na nakakabahala ang nasabing bilang dahil pagsapit ng taong 2015, pangunahing sanhi na ng premature death at injury ay mga aksidente sa kalsada.
Kasabay nito, inilunsad na rin kahapon ng DPWH ang International Road Assessment Program kung saan isang fully equipped na sasakyan na pinondohan ng World Bank ang nasa bansa ngayon na susuri sa mga kalsada.
Unang sinuri ang kahabaan ng Commonwealth Avenue kung saan madalas ang aksidente.
Sunod na susuriin ang kahabaan ng Edsa, Quirino highway mula Balintawak patungong Caloocan, C-5 at Marcos highway patungong Antipolo na kabilang sa may 3,000 pangunahing lansangan sa buong bansa na susuriin ng DPWH.