MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Justice Secretary Leila De Lima na handa na sila sa extradition ni dating police Supt. Michael Ray Aquino, na suspect sa kontrobersiyal na Dacer-Corbito double murder case dahil wala naman umano silang nakikitang hadlang dito.
“The information given to us is that there are no more legal impediments for his extradition,” wika pa ni Sec. De Lima.
Ayon kay De Lima, hinihintay lamang nila ang official notice mula sa kanilang counterparts sa Amerika upang mapabalik ng Pilipinas si Aquino.
Sinabi ni De Lima na kailangan nila ang formal written note na nagsasabi na tapos na ang extradition process gayundin ang kumpirmasyon na inaasahan sa mga susunod na linggo.
“We’re just talking here about a few weeks’ confirmation,” giit ni De Lima.
Nabatid na ang extradition process ay nagsimula matapos na ibasura ng US Court of Appeals ang apela ni Aquino na ma-extradite siya.
Sakaling matapos ang extradition process isang kinatawan ng gobyerno ang susundo kay Aquino.
Matatandaang si Aquino, ay sangkot sa pagdukot at pagpatay sa veteran publicist Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000. Ang kasong double murder ay nakasampa sa Manila Regional Trial Court Branch 18.
Si Aquino ay sinasabing protégé ni Sen. Panfilo Lacson, na una na ring naging suspect subalit pinawalang sala ng Court of Appeals.