Manila, Philippines - Palalawigin ng dalawa hanggang apat na linggo ang libreng ‘door-to-door’ na pagbabakuna sa mga batang may edad siyam na buwang gulang hanggang walong taon.
Sinabi ni Health Secretary Enrique Ona na imbes na magtapos ngayong Mayo 4 ang kampanyang “Iligtas sa Tigdas ang Pinas” , ay pinalawig pa ito para makumpleto ang target na mabakunahan ang 18 milyong paslit.
Aniya, marami pa kasing mga lugar sa bansa ang hindi napupuntahan ng kanilang mga health workers partikular na sa malalayo at mga liblib na lugar.
Wala pang ulat kung gaano na karami ang nabakunahan sa ilalim ng programa dahil kailangan pang makumpleto ito.
Sa pinakahuling report, sa 2,075 katao na tinamaan ng tigdas sa buong bansa mula Enero hanggang Marso 19, ng taong kasalukuyan, may 5 bata na ang nasawi.