MANILA, Philippines - Mas maagang matatanggap ng mga kawani ng gobyerno ang umento sa kanilang sahod sa susunod na buwan sa halip na sa Hulyo.
Sinabi ng Pangulo, maagang makukuha ng mga government workers ang ikatlong bahagi ng kanilang salary standardization na unang naitakdang ibigay sa Hulyo.
“Tama po ang dinig ninyo. Sa June at hindi sa July ang pagtaas ng sahod ng mga taga-gobyerno. Pinaaga po natin iyan ng isang buwan dahil alam kong malaking bagay ito, lalo na’t magpapasukan na naman. Alangan namang ipagpabukas pa natin ang kaya naman nating ibigay ngayon,” wika ni PNoy.
Inatasan din ni PNoy ang wage board na bilisan nito ang pagdinig sa mga nakahaing petisyon ng mga manggagawa para sa kanilang dagdag na sahod.
“Habang nakabinbin ang ganitong mga petisyon, lalo naman pong tumitindi ang tensyon sa pagitan ng mga manggagawa at management. Baka naman po puwedeng paspasan na ng mga wage boards ang pag-asikaso sa mga isyung ito, upang makatutok na rin ang mga manggagawa sa kani-kanilang mga trabaho, at pare-pareho na tayong makahinga nang mas maluwag,” giit pa ni Aquino.
Sinabi naman ng Pangulo na inaasahang ngayong linggo ay iaanunsiyo na rin ng wage board sa NCR ang kanilang desisyon ukol sa nakahaing petisyon para sa dagdag sahod.