MANILA, Philippines - Pinababasura ni House Assistant Minority Leader Zambales (2nd district) Rep. Mitos Magsaysay ang kumpirmasyon ni Finance Secretary Cesar Purisima sa makapangyarihang Commission on Appointments dahil umano sa kaduda-dudang Statement of Assets and Liabilities and Networth at hindi pagbabayad ng buwis mula taong 2006 hanggang 2009.
Nabatid na bago mag-Semana Santa ay muling nagsagawa ng pagdinig ang CA para sa kumpirmasyon ng mga itinalagang opisyal ng pamahalaan, kabilang si Purisima, kung saan natuklasan ang hindi nito pagdedeklara ng kanyang assets.
Ayon kay Magsaysay, walang pinagkaiba si Purisima kay Ang Galing Partylist Rep. Mikey Arroyo at asawa nitong si Ma. Angela na kinasuhan ng tax evasion dahil sa hindi pagpa-file ng income tax return at hindi pagdedeklara ng kanyang mga ari-arian.
Lumitaw sa pagsilip ng CA sa joint ITR filing ng mag-asawang Purisima mula 2007 hanggang 2008 na walang idineklarang kita ang mga ito sa kabila ng pagkakaroon nito ng posisyon sa ilang korporasyon.
Tanging idineklara ni Purisima sa kanyang SALN ang P234 milyon noong 2009 na may itinaas na P35 milyon mula sa taong 2006.
Dahil dito, sinabi ni Magsaysay na marapat lang na gawin din kay Purisima ang ginawang aksyon ng BIR kung saan kinasuhan nila sa Department of Justice ang mag-asawang Arroyo.
“What is sauce for the goose should be sauce for the gander,” pahayag ni Magsaysay na nangangahulugan na kung ano ang kay Mikey dapat ganun din kay Purisima.
Matatandaan na sinampahan ng BIR sa DOJ ng P73.85 milyong tax evasion case ang mag-asawang Rep. Arroyo at Ma.Angela dahil sa kabiguan nitong magbayad ng buwis.
Iginiit naman ni Sen. Francis Escudero, miyembro ng CA, ang pagbibigay-linaw ni Purisima sa nasabing isyu upang hindi ito mapulaan ang kanyang ahensya sa krusada nito laban sa mga tax evader at smuggler.
Kabilang sa mga miyembro ng CA na tutol sa appointment ni Purisima si Quezon 3rd District Rep. Danilo Suarez dahil sa umano’y pagkolekta ng buwis na umaabot sa bilyong piso mula sa Pagbilao coal power plant para sa national government na dapat sana ay ibigay sa provincial government.