MANILA, Philippines - Napatay umano sa huling pambobomba ng NATO forces na nagsasagawa ng airstrikes sa Libya ang 29-anyos na anak ni Libyan President Moammar Gadhafi at tatlong apo nito.
Base sa report, isa sa mga balwarte ng mga Gadhafis ang binomba ng NATO warplane sa pagpapatuloy ng missile attack sa Tripoli sanhi ng pagkasawi umano ni Saif Al-Arab Gadhaffi at tatlong anak niya.
Nasapol umano ng bomba na pinakawalan ng NATO forces ang bahay na tinutuluyan ng pamilya Gadhafi subalit nakaligtas ang Libyan president at asawa nito.
Ang pagkasawi ng anak na lalaki ni Gadhafi at tatlong apo ay inianunsyo at kinumpirma mismo ng tagapagsalita ng Libya na si Mousa Ibrahim.
Sinabi ni Ibrahim na nasa malaking residential villa si President Gadhafi at kanyang pamilya nang maganap ang pambobomba.
Bunga ng umiinit na karahasan hindi na umano ligtas ang may 2,500 Pinoy na natitira sa nasabing bansa na karamihan ay health workers at nasa mga ospital sa Tripoli, Misrata at Benghazi.
May 79 manggagawa rin ng isang kumpanya ang nagpapatulong sa Embahada ng Pilipinas upang maialis sila sa isang disyerto may 80 kilometro ang layo sa siyudad sa Tripoli dahil sa pangambang abutin sila ng mga missiles.
Nangako naman umano ang employer na aasikasuhin na ang mga travel documents ng naturang OFWs upang makauwi sa Pilipinas.