Manila, Philippines - Labis ang panghihinayang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular ang Philippine Air Force (PAF) sa pagkamatay ng magaling, matalino at masipag nilang opisyal na sina Maj. Ephraim Gatus Suyom at Capt. Reymond de Leon na lulan ng bumagsak na fighter jet sa Bagac, Bataan kamakalawa.
Ayon kay Lt. Col. Miguel Okol, tagapagsalita ng Air Force, malaking kawalan sa kanila ang “tragic” na pagkamatay ni Ephraim na Topnotcher, o valedictorian ng PMA Class 1997 “Kalasag ng Lahi” at siya rin ang binigyan ng Presidential Saber ng dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Sinabi ni Col. Okol na bilang pagpupugay at pagkilala sa naging partisipasyon ni Ephraim sa Sandatahang Panghimpapawid ng Pilipinas ay nakatakda itong gawaran ng full military honors at ilagak sa Libingan ng mga Bayani.
Dahil sa insidente, “grounded” na o hindi na muna papayagang makalipad ang anim pang Aemacchi S-211 trainer jet ng Air Force. Ang 38-anyos na si Ephraim ay anak ng mag-asawang Reynaldo at Fidelina at pangalawa sa pitong magkakapatid.
Inulila rin ni Ephraim ang kanyang asawa na si Atty. Julie Reyes ng Court of Appeals at dalawang anak.