Manila, Philippines - Napapanahon na umano upang amyendahan ang Comprehensive Drug Act of 2002 dahil na rin sa maraming butas nito sa kasalukuyan na nagiging dahilan upang maraming mga dayuhang sangkot sa ipinagbabawal na gamot ang nakakaligtas na maparusahan.
Iginiit ni Dasmariñas City Rep. Elpidio Bargaza Jr., vice-chairman ng House committee on Dangerous drugs na kailangan na umanong bisitahin ang RA 9166 dahil hindi na umano ito naayon sa kasalukuyang panahon.
Patunay umano nito ang dumaraming kaso ng mga inarestong mga dayuhan kaugnay ng ipinagbabawal na gamot na nababasura ang kaso dahil sa teknikalidad.
Kailangan ding pag-aralan ang naturang batas upang maisaayos ang ilang isinasaad nito at mabigyan ng mas malaking kapangyarihan ang Philippine Drug Enforcement Agency upang tuluyang masawata ang pagkalat ng illegal na droga.?
Nangangamba din si Bargaza dahil sa lubha na umanong napag-iiwanan ang Pilipinas mula sa ibang bansa sa Asia sa pagpaparusa sa mga taong sangkot sa illegal na droga kung saan sa halip na maparusahan ay napapalaya dahil sa usapin ng teknikalidad.
Sa kabila ng mahigpit na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga ay patuloy pa rin umano ang pagsasamantala ng ilang sindikato na magpasok nito sa bansa.