Manila, Philippines - Pinakakasuhan ng Department of Justice (DOJ) sa korte ng multiple frustrated, multiple attempted murder at illegal possession of explosive ang 2010 Bar exam blast suspect at APO fraternity member na si Anthony Leal Nepomuceno.
Base sa 27-pahinang resolusyon na nilagdaan nina prosecuting lawyer Gerard Gaerlan at Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon, kinakitaan ng probable cause ang reklamo ng mga complainant.
Magugunitang nangyari ang insidente sa ha rapan ng De La Salle University sa Taft Ave., Manila noong Setyembre 26, 2010. Sa tala ng pulisya, mahigit 20 ang nasugatan dito.
Ayon sa DOJ, mahina ang naging alibi ni Nepomuceno nang sabihin nito na wala siya sa paligid o lugar ng La Salle nang mangyari ang pagsabog. Taliwas umano ito sa testimonya ng ilang mga saksi na nakakita mismo sa kanya.
Hindi rin umano sapat ang pagsusumite ng photocopy ng resibo ng automated teller machine ng Metrobank-Baranka, Marikina Branch upang palabasin na wala siya sa crime scene.
Nabigo rin umano si Nepomuceno na kanya ang naturang bank account kung saan nakasaad sa resibo ang petsa at oras ng transaction na September 26, 2010 19:49:29 o 7:49 p.m. samantalang ang pagsabog ay nangyari dakong alas 5:10 p.m.
“Considering that the scene of the crime is at Taft Avenue, Manila, which is more or less 20 kilometers away from Baranka, Marikina, then, it is not physically impossible for the respondent to be at the scene of the crime when the crime was committed, because his alibi of being in Marikina City happened only two hours after the crime was committed,” nakasaad sa resolusyon ng DOJ.
Ibinasura din ng DOJ ang affidavits ng mga sinasabing witness ni Nepomuceno dahil ang mga pahayag ay para lamang sa pagpabor sa respondent.
Sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code, maituturing na murder ang isang kaso kung may pagtatangka gamit ang isang pampasabog.
Anang DOJ sa kaso ni Nepomuceno, ang pag-atake ay mabilisan at hindi inaasahan habang gamit ang MK2 fragmentation hand grenade na inihagis ng akusado sa mga biktima kaugnay ng traditional “salubong” sa mga examinees.
Dahil dito, ang mga kasong isasampa ng mga complainants na sina Joanna Katrina Ledda at Ma. Antonia Raissa Dawn Laurel ay multiple murder dahil muntik nang mamatay ang mga ito.
Multiple attempted murder naman ang ihahain ng iba pa dahil hindi naman maituturing na fatal ang nangyari sa kanila.