PNP sinopla ng PDEA
MANILA, Philippines - Tinanggihan ng Philippine Drug Enforcement Agency ang panukala ng Philippine National Police na magtatag ng isang permanenteng anti-illegal drugs office dahil hindi umano ito kailangan.
Isinumite ng PNP noong Setyembre 9, 2010 sa Malakanyang ang isang panukalang executive order para balasahin ang PNP Anti-Illegal Drugs Special Task Force at tawagin itong “PNP Anti-Illegal Drugs Office (AIDO).”
Pero sinabi ni PDEA Director General Jose S. Gutierrez sa kanyang sulat kay Pangulong Aquino na may petsang Pebrero 15, 2011 na ang panukalang pagtatatag ng AIDO ay duplikasyon lang ng gawain ng PDEA na hindi tugma sa probisyon ng RA1965 na nagtatag sa PDEA bilang permanenteng institusyon na magiging sentrong ahensiya sa pagpapatupad ng batas laban sa bawal na gamot.
Ikinatwiran pa ni Gutierrez na ang panukala ay taliwas sa tunay na intensiyon ng batas.
Gayunman, kinikilala ng hepe ng PDEA ang mahalagang suporta ng PNP sa paglaban sa iligal na droga kaya dapat ipagpatuloy para mapalakas ang pagtutulungan ng dalawang ahensya.
Pinuna ng PNP sa panukala na ang PDEA ay isa lang pangunahing ahensya at hindi solong ahensiya sa pagpapatupad ng RA9165 kaya dapat magtatag ng PNP Anti-Illegal Drugs Office.
Layunin ng panukala ng PNP na gawing propesyunal at palakasin ang suporta ng PNP sa PDEA sa mga operasyon kontra sa iligal na droga.
- Latest
- Trending