MANILA, Philippines- Malaki ang paniniwala ni Boac, Marinduque Bishop Reynaldo Evangelista na panahon na upang ipatupad ni Pangulong Benigno Aquino IIII ang moratorium sa pagmimina sa bansa matapos ang panibagong mudslide sa Compostela Valley na kinamatay ng walong minero.
Ayon kay Evangelista, matagal na itong panawagan ng Simbahang Katoliko subalit hindi nakikinig ang gobyerno.
Aniya, napakaraming delikadong lugar sa Pilipinas na itinuturing ng DENR, Mines and Geosciences Bureau na delikadong galawin sa pagmimina tulad ng Sibuyan island sa Romblon dahil mawawala ito sa mapa ng Pilipinas.
Gayunman, binigyan diin ng Obispo na sa kabila ng banta ng malawakang kalamidad na idudulot ng pagmimina ay nagpapatuloy pa rin ang small at large scale mining sa bansa.
Panawagan ng Obispo, dapat ipag-utos ni Pangulong Aquino ang pagpapatigil ng pagmimina sa bansa upang hindi na maulit ang trahedya tulad ng nangyari sa Sitio Panganason Barangay Kingking sa bayan ng Pantukan Compostella Valley.
Subalit ipinahayag ni Aquino na pabor ito sa pagmimina ng malalaking kumpanya kaysa sa small-scale mining.
May ilang mga supporter si PNoy noong eleksyon na mayroong minahan tulad ni Eric Gutierrez na may nickel mining sa Butuan City at Bicol.
Itinalaga pa si Gutierrez bilang consultant ng Manila Economic Cooperation Office (MECO). (Doris Franche)