MANILA, Philippines - Dinala na kahapon sa Senado ang mga unang batch ng judicial robes na gagamitin ng mga senador bilang mga judges sa impeachment trial ni Ombudsman Merceditas Gutierrez na magsisimula sa Mayo 9.
Sampung judicial robes ang dinala kahapon at inaasahang isusunod pa ang 13 natitira bago magbalik ang sesyon ng Senado sa Mayo 9 na simula ng impeachment trial ni Gutierrez.
Ayon kay Olive Caunan ng external divison ng Senado, si Sen. Miriam Defensor-Santiago ang nagmungkahi ng kulay at hitsura ng robe na iginaya sa kulay ng ginagamit na judicial robe sa London na kulay scarlet red.
Pero mas pina-simple umano ang judicial robes na gagamitin ng mga senador na nilagyan lamang ng gold yellow lining sa harapan at walang seals o anumang burloloy.
Inihayag ni Atty. Edwin Belen, deputy senate secretary, nasa P3,000 hanggang P4,000 ang halaga ng bawat isang judicial robe.
Ang mga nasabing robe ang susuotin ng mga senador sa panunumpa nila sa Mayo 9 bilang mga judges sa impeachment trial. Pag-uusapan pa kung isusuot din ang nasabing toga sa kabuuan ng paglilitis o kung sa unang araw lamang.
Nakaayos na rin ang session hall ng Senado para sa tentative seating arrangement ng mga senador, mga kongresista na tatayong mga prosecutors kung saan maaari ring isama ang mga private prosecutors. May puwesto rin para sa mga abogado ni Ombudsman Meceditas Gutierrez.
Nagpagawa rin ng bagong podium na magsisilbing witness stand na bahagyang elevated at may harang ng katulad sa karaniwang korte.
Inihayag ni Atty. Belen na “minimal” lamang ang ginastos ng Senado para sa impeachment trial.
Pinag-aaralan na rin kung maglalagay ng malaking screen sa basketball court na nasa parking lot ng Senado para sa mga taong hindi makakapasok sa loob ng session hall.