MANILA, Philippines - Isa pang biiktima ng illegal recruitment at human trafficking ang lumutang kahapon sa preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ) upang idiin si Mapet Cortez o kilala bilang Tita Cacayan.
Nagpatago lamang sa alyas na “Bunny” ang babaeng testigo na nagpatibay pa sa akusasyong sangkot sa transaksiyon ng iligal na droga at illegal recruitment si Cacayan, na nahaharap sa reklamo sa DOJ hinggil sa pagre-recruit sa naarestong drug mule at binitay noong Marso 30, 2011 sa China na si Sally Ordinario-Villanueva.
Nangako pa si Bunny na handa siyang isiwalat hanggang sa korte ang kaniyang nalalaman hinggil sa gawain ni Cacayan dahil isa siya sa biktima nito.
Kusa umano siyang lumapit sa DOJ dahil sa natatanggap na pagbabanta sa buhay .
Sa ikalawang pagkakataon, nagharap-harap na naman si Cacayan at mga kaanak ni Sally na sina Peter, Liza at Jason Ordinario.
Bukod sa human trafficking case, isa pang kaso ni Cacayan ang nagdaos din ng PI sa DOJ, partikular na ang usapin ng pagpapadala nito ng droga kay Jason na una nang isinampa sa piskalya.
Inatasan naman nina Assistant State Prosecutors Michael Vito Cruz at Steward Mariano, ang may hawak sa kasong illegal drugs at kidnapping na inihain ni Jason laban kay Cacayan, ang PNP-CIDG at si Jason Ordinario ng reply sa inihaing counter affidavit ni Cacayan hanggang Mayo 4 para sa itinakdang clarificatory hearing sa Mayo 9.
Itinanggi ni Cacayan ang bintang ng CIDG at ni Jason na kanya din ang mga ginagamit na pangalang Joy Anne Olido at Joy Anne Olinodo, Aniya ibang tao ang nasabing mga pangalan.