MANILA, Philippines - Pinag-iingat ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang mga residente ng lungsod sa mga sakit na nakukuha ngayong panahon ng tag-init partikular na ang heat stroke, pagdurugo ng ilong at iba pa.
Ayon kay Echiverri, base na rin sa naging talaan ng Department of Health (DOH), marami sa mga Pilipino ngayon ang nakakaranas ng mga nabanggit na sakit na kung minsan ay nagiging dahilan ng pagkawala ng buhay ng mga ito.
Aniya, ang pagkakaroon natin ng mainit na klima ay hindi lamang dahil sa panahon ng tag-init kundi dahil na rin sa epekto ng lumalalang problema natin sa patuloy na pag-init ng mundo o “global warming”.
Pinayuhan pa ng alkalde ang mga residente na palaging magdala ng mga panlaban sa sikat ng araw kapag lalabas ang mga ito ng kanilang mga bahay upang maprotekhan ang katawan sa labis na init.
Kabilang sa mga maaaring maging panlaban sa init ng araw ay ang payong, sombrero, sun block partikular na sa mga magtutungo sa beach resort at ang madalas na pag-inom ng maraming tubig upang hindi matuyo ang katawan dahil sa labis na pamamawis.