MANILA, Philippines - Anim na OFW na iniulat na dinukot at na-trap ng 23 araw sa Zitlin, west Misurata habang kasagsagan ng digmaan sa Libya ang nasagip.
Pinangunahan nina DFA Sec. Alberto del Rosario, Foreign Affairs Usec. Rafael Seguis at Ambassador Alejandrino Vicente ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli, Libya ang rescue operations sa limang Pinay nurses na sina Evangeline Garcia, Evjoalyn Calam, Catherine Galue, Valerie Joy Ventura, Celeste Cambangay at Pinoy engineer na si Vincent Sanchez.
Sina del Rosario at Seguis ay nagtungo sa Libya noong Martes Santo upang sagipin ang mga Pinoy.
Isang Pinay nurse na nagtangka umanong lumabas sa kanilang kampo ang binaril ng isang sniper at sinuwerteng nakaligtas matapos na ang tamaan ay ang hawak-hawak nitong powdered milk.
Nabatid na dinala ang mga Pinoy nurses sa isang ligtas na lugar ng armadong tropa ng gobyerno matapos nilang gamutin ang mga sugatang sundalo. Bilang pagtulong sa kanila ay dinala naman umano sila sa isang ligtas na lugar hanggang sa mapadpad sa Ziltin at nanatili ng 23 araw dito.
“Out of humanitarian compassion, the nurses risked their lives to treat the wounded soldiers. Ms. Garcia and Ms. Calam said that they had to break into an abandoned pharmacy across the street to get medicines and tools to treat and even perform surgical procedures on the casualties,” anang DFA.