Residente sa ComVal landslide pinalilikas
MANILA, Philippines - Inutos na kahapon ni Pangulong Aquino ang paglikas sa mga residente sa bayan ng Pantukan sa Compostela Valley, kasunod ng nangyaring landslide sa mining area doon.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Dir. Benito Ramos, partikular umanong inatasan ng Pangulo si Environment and Natural Resources Sec. Ramon Paje at Office of the Civil Defense para pangunahan ang gagawing evacuation at pagtulong sa mga apektadong residente.
“Inutusan niya ang secretary ng DENR, kaya pupunta doon. Dahil mayroong fault line na kailangang ilikas ang mga tao, dahil landslide-prone area ang Pantukan,” ayon kay Ramos.
Umabot na sa 5 minero ang nasawi habang 19 pa ang nawawala sa nangyaring landslide sa Barangay Kingkikan, Pantukan. Sa ibang report, 3 ang namatay at 21 pa ang pinaghahanap.
Una ng napag-alaman na bagama’t ipinagbabawal ang small-scale mining sa nasabing area, walang nagawa ang lokal na pamahalaan para ito ay mapigilan.
Sinabi naman ni Ramos na dapat ding masisi ang local government sa nangyaring trahedya.
“Dahil ang permit to conduct mining, iyong small-time, ang permit diyan, galing sa local government,” ayon kay Ramos.
Iginiit din ni Ramos na hindi nagkulang ang PAGASA sa pagpapa-alala sa mga local government units, hinggil sa umiiral na sama ng panahon at posibleng flashflood at landslides na dulot nito.
Samantala, sinabi ni Lt. Col. Camilo Ligayo, commander ng 71st Infantry Batallion ng Philippine Army, sa kasalukuyan ay mayroon ng mga heavy equipment tulad ng backhoe at bulldozer na nakarating sa mismong gumuhong lugar na tutulong para sa ginagawa nilang rescue operations.
Masyado umanong makapal ang lupa na gumuho kung saan may 20 metro ang tumabong lupa, may 50 metro ang lawak, at nasa 500 metro naman ang haba ng landslide nito, kaya masyadong mahirap para sa mga rescuers na mapabilis ang pagliligtas sa mga biktima.
Umaasa ang opisyal na may natitira pang buhay sa mga natabunang biktima, pero base anya sa pahayag ng ilang minero ay mahihirapan ng mabuhay ang sinuman sa loob dahil na rin sa kawalan ng oxygen at pagkalunod dulot na rin ng tubig na dumadaloy sa loob ng tunnel.
Ang natabunang minahan ay kabilang sa mga small scale mining na nag-ooperate sa nasabing lugar na ayon sa mga awtoridad ay walang kaukulang dokumento.
Sa kasalukuyan, nagtutulong-tulong ang puwersa ng PNP, AFP, at iba pang malaking mining operators sa rescue operation.
- Latest
- Trending