MANILA, Philippines - Natuon pa rin sa paglaban sa katiwalian ang Easter message na ipinalabas kahapon ni Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon sa Pangulo, malaki ang maiaambag ng bawat Filipino upang malabanan ang katiwalian na magiging daan umano upang matapos na ang kahirapan.
“Bawa’t isa sa atin ay may maiaambag sa pagtuldok sa katiwalian upang maisalba sa hirap at pasakit ang marami nating kababayan. Sa pamamagitan lamang nito, mararamdaman ng bawat Pilipino ang tunay na liwanag ng pagbabago,” pahayag ng Pangulo.
Sinabi rin ng Pangulo na hindi nagtatapos sa pagwawakas ng Semana Santa ang pananalig ng bawat isa sa Panginoon.
Muli rin nanawagan ang Pangulo na dapat ay matutong magkawanggawa ang mga mamamayan.
“Sa pagwawakas ng Semana Santa, hindi sana magtapos dito ang ating taimtim na pananalig sa Panginoon. Ipagpatuloy natin ang pagtupad sa Kaniyang mga aral at lalo pa nating paigtingin ang ating pagkakawanggawa,” anang Pangulo.
Ang pananampalataya at ang pagkakaisa umano ang susi upang malabanan ang mga problemang sanhi ng korupsiyon.
Dapat aniyang gamitin ang Pasko ng Pagkabuhay upang maging inspirasyon para sa tunay na pagbabago.