MANILA, Philippines - Dahil sa pangambang sumabog anumang oras ang bulkang Taal sa Batangas, umalerto na ang Philippine Fleet at inihanda na ang tropa nito at mga kagamitan para sa posibleng disaster rescue mission.
“The Philippine Fleet has readied its troops and equipment in case Taal Volcano erupts anytime,” pahayag ni Philippine Navy Rear Admiral Jose Luis Alano, commander ng Philippine Fleet.
Sinabi ni Alano na nasa may 120 sundalo mula sa Fleet Support Force (FSF) ang naka-standby na para magsagawa ng paglilikas at rescue assistance sa mahigit 1,000 pang caretakers na naiwan sa bisinidad ng isla ng Taal.
Bukod dito nakahanda na rin ang mga rubber boats, M35 trucks, life vests, team ng mga divers, ambulansya ng medical team ng Philippine Fleet.
Ayon naman kay Navy spokesman Lt. Col. Omar Tonsay, ang Philippine Fleet ang pinakamalapit na pasilidad ng Philippine Navy na mabilis at mauunang makaresponde sa lugar sakaling pumutok na ang bulkang Taal.
Ang Taal Volcano na nasa gitna ng isla ng Taal Lake ay may mahigit 5,000 residente mahigit 1,000 rito ay nauna ng inilikas kung saan kapag sumabog ito ay hindi lamang mga residente ng Batangas ang apektado kundi maging ang lalawigan ng Cavite at iba pang karatig lugar.
Samantala umaabot sa 19 volcanic quakes ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Taal sa nakalipas na 24 oras. Mas mataas ito kumpara nitong Biyernes na nasa 11 lamang.
Sa nakalipas na tatlong araw ay pataas ang naitatalang pagyanig na naramdaman sa intensity 2 sa Brgy. Calauit na nasa southeastern part ng volcano island, kahapon ng madaling araw.
Alas-4:30 naman ng madaling araw kahapon ay naramdaman ang intensity 3 sa Brgy. Pira-piraso na nasa northeastern part ng bulkan na sinundan pa ng maingay na tunog mula sa bulkan.
Nanatiling nasa alert level 2 ang bulkan at ipinagbabawal pa rin ng mga otoridad ang pagtungo sa main crater nito matapos pumalo sa 31.5 degrees Celsius ang temperatura rito.