MANILA, Philippines - Umaabot na sa 2,700 ang panukalang batas na nakahain sa Senado ang hindi pa natatalakay ng mga senador simula ng magbukas ang 15th Congress noong nakaraang taon.
Sa statistical data ng Legislative Bills and Index Service ng Senado, sa nasabing 2,756 panukala nasa 48 pa lamang ang natatalakay ng mga senador at pito (7) ang nakabinbin sa House of Representatives.
Kabilang dito ang panukala na magbibigay ng karagdagang benepisyo at proteksiyon ang mga kasambahay o ang “Househelpers Additional Benefits and Protection”.
Kasama rin ang panukala na naglalayong kilalanin ng gobyerno ang diborsiyo na nakuha ng isang indibiduwal sa ibang bansa at ang panukalang gawing legal ang vagrancy o bagansiya.
Katulad sa mga nagdaang kongreso, kabilang sa mga nangunguna sa paghahain ng mga panukalang batas si Sen. Miriam Defensor-Santiago.
Samantala, posibleng lalo pang mawalan ng oras ang mga senador sa pagtalakay sa mahigit na 2,700 bills sa pagbabalik ng sesyon sa Mayo dahil magiging impeachment court na ang Senado at aakto ang mga senador bilang judge sa impeachment trial ni Ombudsman Merceditas Gutierrez.
Aminado ang ilang senador na posibleng tumagal ng isang taon ang hearing lalo pa’t 6 ang Articles of Impeachment na kinakailangang isa-isahing dinggin ng mga senador.