MANILA, Philippines - Inilunsad ng Sangguniang Bayan ng Obando sa Bulacan ang programang “Sagip-Ilog” upang mawala sa listahan ang Marilao-Meycauayan-Obando river system sa “World’s Most Polluted Places” ng kinikilalang Blacksmith Institute.
Sa open forum na ginanap kamakailan sa Barangay Paco, Obando, nilinaw ni Mayor Orencio Gabriel na mahalaga ang itatayong 44-ektaryang Engineered Sanitary Landfill sa Barangay Salambao na pagdadalhan ng lahat ng basura para maiproseso at maging malinis ang tubig na dadaloy sa ilog.
May agam-agam ang mga residente sa proyektong itatayo sa lupang pag- aari ng Eco Shield Development Corporation ngunit nilinaw ng eksperto sa waste management na si Rodolfo Pagarigan na pinakamataas na antas ang itatayong landfill na titiyaking hindi kakatas ang basura at lagi itong imomonitor kasama ang iba’t ibang sektor.
“Sarado lang ang isip ng ibang sektor pero wala naman silang maiprisintang alternatibong paraan para masagip ang aming ilog,” ayon sa residenteng si Arman Liwanag. “May partisipasyon naman ang komunidad sa proyekto kaya mababantayan namin ito. Hindi naman ipapahamak ng halal na opisyales namin ang taga-Obando.”
Ayon naman kay Mayor Gabriel, panahon na para magkaisa at makipagtulungan maging ang mga residente ng Meycauayan at Marilao para mawala sa kategoryang pinakamaruming lugar sa buong mundo ang tatlong bayan dahil sa river system nito.
“Nanganganib ang kalikasang sa atin ay nagbibigay ng buhay. Ang mga ilog na dating nalalanguyan at napapangisdaan ay kulay itim at puno ng basura ngayon,” ani Gabriel. “Kailangang pangalagaan at protektahan natin ang kalikasan upang hindi ito tuluyang masira at mawala. Simulan natin ito sa paglilinis sa mga ilog!