Mang-iipit ng clearance ng estudyante, paparusahan ng DepEd
MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon si Education Secretary Bro. Armin Luistro sa mga opisyales ng mga paaralan at mga guro na papatawan ng parusa sa oras na mapatunayan na nang-iipit ng mga clearances at iba pang importanteng dokumento ng mga mag-aaral dahil sa hindi pagbabayad ng mga hinihinging kontribusyon.
Sinabi ni Sec. Luistro na lubhang importante ang mga clearances at iba pang dokumento tulad ng school cards ng mga mag-aaral upang makapag-enroll sa susunod na taon lalo na sa mga estudyante na aakyat ng high school at kolehiyo.
Inamin ng kalihim na marami pang mga paaralan at guro sa buong bansa ang lumalabag sa mga panuntunan ng DepEd para mabigyan ng libreng edukasyon ang mga batang Pilipino na siyang humaharang sa pag-unlad ng bansa.
Kasama si Undersecretary for Legal and Legislative Affairs Alberto Muyot, sinabi nito na napakaraming reklamong natatanggap ang ahensya sa mga paaralan at guro na iginigiit ang paniningil ng pagbabayad ng PTA (Parents-Teachers Association) at PTCA contributions at iba pang bayaran bago mailabas ang clearances ng mga mag-aaral.
Iginiit ni Muyot na sinumang mapapatunayan na patuloy na gumagawa nito ay papatawan ng kaukulang parusa kabilang ang pagsasampa ng kasong administratibo sa mga ito.
- Latest
- Trending