MANILA, Philippines - Masayang ibinalita kahapon ng Department of Foriegn Affairs (DFA) na nakaligtas sa pagbitay ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) dahil sa drug smuggling matapos na mabigyan ng pardon sa Saudi Arabia.
Ayon sa report ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh sa DFA, ganap nang pinalaya noong Linggo ang nasabing OFW matapos ang pagbibigay ng pardon sa kanya at inaayos na ang pagbabalik niya sa Manila.
Itinanggi ng Embahada na ihayag ang pangalan ng OFW dahil na rin umano sa kahilingan ng kanyang pamilya.
Sa tala ng DFA, ang naturang OFW ay hinatulan ng bitay sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo noong Nobyembre 2009 dahil sa pagpupuslit ng ilegal na droga papasok sa Saudi.
Noong Pebrero, 2008, ang nasabing Pinoy ay nasabat ng Saudi law enforcement agents matapos na matanggap ang postal package na naglalaman ng shabu.
Dahil sa representasyon ng Embahada, isang apela ang inihain sa mataas na hukuman sa tulong ng dalawang abogado at dalawang miyembro ng tribunal ang nagpababa sa parusa na mula sa death penalty ay ibinaba sa 15 taong pagkabilanggo, 1,500 lashes o hagupit at karama (multa) na Saudi Riyal 100,000.
Ang naturang OFW ay ang pangatlong Pinoy na hinatulan ng bitay sa Saudi Arabia na matagumpay na nasagip ng Embahada kasunod ng pagpapalaya sa isang OFW na si Michael Roque sa Saudi jail noong Pebrero 2011.