SBMA administrator magbibitiw kahit 'di pa tapos ang term
MANILA, Philippines - Magbibitiw sa puwesto si Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) administrator Armand Arreza upang bigyang-daan ang itinalaga ni Pangulong Benigno Aquino III na kanyang kapalit.
Sinabi ni Arreza sa Pilipino Star Ngayon, ang kanyang resignation ay magiging epektibo sa May 30 upang bigyan ng pagkakataon si Rafael Reyes na kanyang magiging kapalit na maging familiar sa kanyang magiging trabaho.
Mayroong termino si Arreza bilang SBMA administrator hanggang September 2011 subalit minabuti nitong magbitiw ng mas maaga upang bigyan ng pagkakataon ang kanyang kapalit.
Itinalaga din ni PNoy bilang bagong chairman ng SBMA si Roberto Garcia bilang kapalit ni Feliciano Salonga. Hindi naman mabatid kung magbibitiw din ng mas maagad si Salonga sa kanyang posisyon dahil ang termino nito ay hanggang September 2011 din.
Inilagay din ni Aquino sina Alfonso Siapno na kumakatawan sa private sector kapalit ni Ariel Buenaventura Castro at Wilfredo Pineda bilangkinatawan ng business and investment sector kapalit ni Roberto Garcia.
Samantala, kinumpirma din ng Palasyo ang pagkakatalaga kay Teresita Herbosa bilang bagong chairperson ng Securities and Exchange Commission (SEC). Papalitan ni Herbosa si Fe Barin na itinalaga ni dating Pangulong Gloria Arroyo noong Setyembre 2004.
Naunang itinalaga ng Pangulo si Felicito Payumo bilang bagong chairman ng Bases Conversion Development Authority habang si Arnel Paciano Casanova naman ang bagong BCDA president.
Itinalaga din ni Pangulong Aquino si dating Comelec chairman Jose Melo bilang bagong miyembro ng board of directors ng Clark Development Corporation (CDC).
- Latest
- Trending